Free Ka Bel Now!
Lunes na ng hapon. Biyernes pa pinanabikan ang paglaya ni Ka Bel mula sa kulungan niya sa Philippine Heart Center. Sabi kasi ng Korte Suprema, walang basehan ang akusasyong rebelyon laban sa kanya at kanyang mga kasamahan.
Ang sabi sa amin dito sa Kodao, mayroon lamang “4-day pass” si Ka Bel para makadalo sa closing sessions ng 13th Congress. Ngayong hapon, inaasahan si Ka Bel na magbibigay ng Privileged Speech sa Batasan. Okey na rin. Sa wakas, muli na namang maririnig ang boses ng manggagawa sa Batasan. Mahigit isang taon ang pagkakait ng rehimen sa karapatang ito.
Sa kanyang talumpati, gusto kong huwag nang magtimpi si Ka Bel. Labinlimang-buwan siya nag-iipon ng gustong sabihin sa ngalan ng mga manggagawa. ‘Wag na siyang mag-aalala sa parliamentary decorum. Kung ang kanyang karapatang-tao ay walang pakundangang nilalabag ng estado, ano naman kung labagin niya kahit minsan lang ang decorum?
Gusto kong makarinig ng malulutong niyang mura ang mga satanas sa Palasyo. Gusto kong mahiya ang mga trapong kasamahan niya sa kongreso sa kawalan nila ng tapang upang ipagtanggol ang isa nilang kasamahan at isang mabuting mamamayan laban sa paglabag sa kanyang mga karapatan. Sa pamamagitan man lang ng salita, magkaroon ng hustisya ngayong hapon.
Bukas pa isusumite ang petisyon sa korte upang gawing pormal ang pagpapalaya kay Ka Bel. Ang tagal naman nilang palayain ang isang taong isang iglap lang noong dukutin at ikulong.
Walang proseso ang pagdukot at pagkulong kay Ka Bel, kailangan pa raw ng proseso para siya palayain.