Ka-Blog!






         Ang mga lagabog ng aking buhay!

May 28, 2007

Ang gusto kong kasanayan

Filed under: Uncategorized — bukaneg @ 10:03 pm

100_1167_1
Si Gary Granada ang pinakapaborito kong kompositor. Siya na rin ang paborito kong singer. Kapag pinakanta mo sa iba ang mga obrang Gary G, kahit pa mas magaling na mang-aawit ang kumanta, parang may kulang. Kahit pangit ang boses ni Gary, at kahit mas pangit pa siya sa akin, siya pa rin ang tingin kong dapat na sumikat, imbes na si Bamboo o si Sarah Geronimo. Dapat si Gary ang sumunod na National Artist for Music.

Sa napakagandang umagang ito, naalala ko bigla ang hindi naman kagandahang lalaking sa Gary. Mayroon kasi siyang kanta na may pamagat na “Sana’y Di Ka Masanay.” Sabi niya, “Minsa’y nasanay na ng nasana’y/sa konting kenswelong aliw/Sa pasikot-sikot ng buhay/napakadaling mabaliw…”

Alam ko namang patungkol ang kanta sa mga burgis. O sa mga empleyado ng call center na burgis-burgisan. O sa mga tibak na medyo nagsasawa na sa hirap ng isang kumikilos at gusto na ring makipag-burgisan. Natanong ko lang….

Kasi nga ay nagising ako sa napakagandang umaga;

Natutulog pa ang asawa ko sa tabi ko;

Tumitilaok ang tandang sa bubong ng kapitbahay;

Nag-iipon ng makukulay na bato sa dalampasigan ang aking nanay;

Naamoy ko ang kumukulong kapeng barako;

Naka-ihi na rin ako; at

Fully-charged na ang cellphone ko.

Paakyat pa lang mula sa mga bundok ng Romblon ang araw. Mamaya pa nito patutuyuin ang basang kalsada mula sa magdamag na ulan kagabi. Nagtatago pa rin sa ulap ang Bundok Payaopao. Mamaya pa kami magkikita.

Ang dagat naman ay parang salamin. Kitang-kita ang repleksyon ng mga ulap sa tubig. Mahinhin naman ang mga along nakakarating sa pampang. Tulad ko rin sigurong inaantok pa.

Pasensya na si Gary, pero ito ang buhay na gusto kong kasanayan.

Pero hindi lang naman bakasyon ang ipinunta namin dito. Sa susunod na linggo, magdadala kami rito ng sangkaterbang libro at gamit para sa mga magsisipasukang mga bata. Kulang-kulang kasi ang librong ipinamamahagi ng magaling na gubyerno.

Magdadala kami ng volunteers para ayusin ang sira-sirang mga classroom. Nakurakot na kasi ang budget para rito.

Magdadala kami ng mga gamot at gamit sa ospital. Ipinambayad na kasi sa utang ang pera para sa mga rito.

Mayroon ding magtatanim ng mga bakawan sa dalampasigan. Pati kasi bahay ng mga isda, pinatos ng mga kawatan.

Huwag mag-aalala si Gary. Tatlong araw ko lang naman titikman itong klaseng umaga. Mag-iipon lang ng kaunti pang lakas. Ipinasyal ko lang din ang pamilya. Bukas-makalawa, kayod-tibak uli tayo. Naghihintay ang santambak na trabaho.

Patatalsikin pa si arroyo.



1 Comment »

  1. nainggit naman ako…
    ito na yata ang nakasanayan ko - ang laging makaramdam ng inggit kapag dalampasigan at dagat ang pinag-uusapan.

    kailan kaya ako muling makatatapak sa pinong buhangin ng dalampasigan at di na muna sa mga buhangin ng maaligasgas na kalsada?
    kailan kaya ako muling makalalasa ng alat ng tubig-dagat at di na muna makalasa ng alat ng pawis ng maalinsangang paligid?

    pero, kaya ko pa namang maghintay…
    dapat naman… di dapat tayo mainip, sa klase ng buhay nating ito, wala tayong karapatang mainip…
    noon naman ay nanawa at naglungad na ako sa kanila,
    at habang tumatagal,
    ako ay lalong nananabik sa muli naming pagkikita…

    sa totoo lang,
    mga awitin ni gary granada ang isa sa mga gumising sa akin. una kong narinig ang album niyang “ang pagsamba at pakikibaka”, dala ito ng isang kapamilya nang siya ay umuwi sa probinsya.

    akala ko ay isang pari o kaya ay isang seminarista si gary.
    naglaro sa aking isipan ang isang itsura ng lalaking matangkad, maputi, sa madaling salita ay kaiba sa itsura niya.

    nang makita ko siya sa tv, sabi ko sa sarili ko, “ah, ok.” lalong naging astig ang tingin ko sa kanya (he he).
    nalimutan ko na kung kailan iyon. di ko na rin alam kung ano ang napanalunan nya sa kanyang “mabuti pa sila” (di ko alam kung ito ba ang pamagat ng awit na iyon, iyon bang may galunggong)

    minsan isang hapon, ihahatid ako ni batik sa aking lungga, dumaan muna kami sa upisina ng gabriela, hihiram kasi ako ng damit para magamit sa isang okasyon. bumili naman si bukaneg ng tape ni gary, gusto ko sana hiramin pero wala naman akong player.

    nawala na ang mga koleksyon kong tape at songbook ni gary. naiwan na kung saan-saan at di ko na iyon mababalikan at isa pa wala na rin akong kontak sa mga napag-iwanan.

    bukaneg, ipag-burn mo ako ng mga kanta ni gary ha, pakisamahan mo na rin ng songbook, sana with guitar chords. pakihanda mo at baka isang araw ay magkita tayo. (malay natin)

    ang natira lang kopya sa akin ay “dagat”, kung may kopya ka ng kantang ito, malalaman mo kung bakit ito lang ang naitago ko.

    hanggang sa muli!
    ibayong ingat!

      meg — June 2, 2007 @ 8:27 pm

RSS feed for comments on this post.

Leave a comment