Ka-Blog!






         Ang mga lagabog ng aking buhay!

January 16, 2006

Kamatayan

Filed under: Uncategorized — bukaneg @ 5:54 am

Kayong mga may kasalanan
mga responsable’t nasa posisyon
huwag na huwag ninyo itong kalilimutan
kahapon, ngayon at magpakailanman –

Alam niyo ba
kung paano namatay
si Aya?

Ganito:

Tinatawid niya ang magkatapat na tarangkahan
ng unibersidad
habang humaharurot ang naglalakihang sasakyan
na hindi inalintana ang babala
"Pook paaralan. Maghinay-hinay lang."

Ayaw ni Ayang dumaan sa overpass
pugad ito ng mga durog at kriminal.
Sa isip ng bata, hindi lamang sa gubyerno sila naroroon.
Walang bantay, at sa gabi’y walang ilaw
sinong baliw ang doo’y gustong umakyat?

Kaya ang biktima’y nakipagsapalaran
nakipagpatintero sa mga sasakyan
nasungkit ng bakal ang katawan
humampas si Aya sa sementong daan

Napasuot sa ilalim si Aya
at dinaanan siya ng naglalakihang gulong.
Hindi sa katawan, hindi sa paa at sa kamay–
sa ulo, tama, sa ulo siya pinatay.

Napisak parang kamatis
ang kanina lamang ay bilog na ulo.
At ang kanyang utak na kanina’y buo
nahati sa dalawa’t bumulwak sa semento.

At tumigil sandali ang mundo

may natulala
may tumili
may umiyak
may nagalit
ang drayber ay tumalilis
ang presidente ay walang naitulong
at ang alkalde ay walang alam

Pagdaka…

Ang pinakamaagang nahimasmasan
ay ang tinderang naglalako lamang.
Siya ang unang lumapit sa bangkay.
Tinakpan ito ng dyaryong bukas
ay si Aya na ang laman.

                                        -1:30 n.h.
                                         13 Setyembre 2001
                                         Rizal Park, Manila

==================
Sa alaala ni Zoraya Rose Ahmid Paul, mag-aaral ng Philippine Normal University-Manila, kasapi ng Gabriela-Youth at kasama sa Sektor Kaguruan at Estudyanteng Guro. 

Hanggang ngayon, humahagibis pa rin ang mga naglalakihang trak sa harap ng eskwelahan, pareho pa rin ang alkalde ng Maynila, ang presidente ng unibersidad at presidente ng Pilipinas.



No Comments »

No comments yet.

RSS feed for comments on this post.

Leave a comment