Ka-Blog!






         Ang mga lagabog ng aking buhay!

July 11, 2005

False alarm

Filed under: Uncategorized — bukaneg @ 1:17 am

    Alas-kwatro ng hapon nitong nakaraang Biyernes umuwi ako sa
bahay.

    Pagdating ko sa aming kalye, nagtaka ang mga tao. Napakaaga namang ako ay pumaparada na sa
tapat ng bahay. Mas sanay ang aking mga
kapitbahay sa takipsilim kong oras ng pagdating.

    Pagbukas ko ng pintuan ay agad kong binuksan ang ilaw. Saka ko napansin, maliwanag pa pala.  Napangiti ako kahit mag-isa.  Mabuti na lang walang nakakita.

    Agad kong hinanap ang luma kong bakpak. Nakita ko sa ilalim ng aming aparador, inaamag
na sa tagal nang hindi ko pagkakagamit. Pinagpag ko at binuksan. Naroroon
pa ang mga lumang mga papel at ilang gamit—lapis, nutbuk, mga damit at libro.   

    Sunod kong binuksan ang aking kabinet. Kumuha ako ng apat na t-shirt, isang shorts
na pantulog, isang pares ng pantalon, jacket, briefs, medyas at maraming bimpo. Sinubukan kong tiklupin ng maayos at ilagay
sa bag. Pero bago ko pa tuluyang maisilid,
gusot-gusot na at wala na sa ayos ang mga tupi.

    Bumaba ako sa kusina. Kinuha ko ang aking mga gamot, sipilyo, toothpaste at mouth rinse. Inilagay ko sila sa bulsa ng bakpak, kasama
ng deodorant. Sa labas ng bag ay  isinukbit ko ang aking payong.

    Isinama ko na rin ang kani-kanina ko lamang ginawa na
awtlayn ng programa sa Ayala.

    People Power 3 na.

    Nakiangkas ako sa mga kasama ko sa Program Committee ng rali
sa Makati. Galing ng Kyusi, nadaanan namin ang EDSA
Shrine. Apat na taon pa lamang noong
halos patiran ako ng ugat sa leeg sa kasisigaw sa entablado para patalsikin si
Erap. Uulitin ko na naman. Ngayon naman ay para kay Arroyo.

    Kelan kaya ang tunay na pagbabago? Mahirap ang mapaos at matulog sa kalye tuwing
may traydor na presidente.

    Sandali lamang ay dumating na kami sa Ayala. Hindi pa kami nakakaparada, naririnig ko na si
Niño Muhlach na walang ibang isinisigaw kundi FPJ. “Teka,” isip ko.  “Buhay pa ba ang Panday?” 

    Ibinaba ko na mula sa likuran ng sasakyan ang aking malaking
bag. Pero bago pa man kami nakakarating
sa entablado, binanggit na sa amin na mag-uuwian na lamang muna at hindi na muna
itutuloy ang vigil sa Ayala. “Bakit?” tanong
ko. “Ayaw nila ng matinong programa. Puro FPJ at Erap lang ang sigaw nila,” sabi
ng napagtanungan ko.

    “Ano ngayon ang plano?“ ulit kong tanong. “Atras muna, ayaw
natin ng magulo.” sagot nito.

    Nagmartsa ang aming bulto at iniwan namin ang dating kuting
ng pinilakang tabing at kanyang mga kasama. Pagtalikod namin, wala pang limandaan ang naiwan sa kanto ng Ayala at
Paseo.

    Sa Miyerkules pa ang aming balik sa Ayala. At muli’t muli akong mag-eempake at babalik,
hangga’t hindi bumababa ang presidente.

    Hindi nangyari noong Biyernes. Subalit kaunti na lang, kahit hindi na sa EDSA,
tatalsik na si Gloria.

 



1 Comment »

  1. hmmn… mas maganda kung… sandali na lang… tatalsik na si Gloria!!! weheheeh.. nagmaganda ba, dbale maganda naman me tlaga… wehehehe, lam ko mas maganda pa rin si Pom.. pero maganda rin ako!!!!sabi ng kr ko!!!

      Rhea — July 22, 2005 @ 3:41 am

RSS feed for comments on this post.

Leave a comment