Ka-Blog!






         Ang mga lagabog ng aking buhay!

June 3, 2005

Mga kulay ng tag-araw

Filed under: Uncategorized — bukaneg @ 1:50 am

Fire_tree_001_3   Noong itinatayo pa lang ang opisina namin, tinanong ako kung saan ko gusto malagay ang aking mesa.  Pinili ko ang pinakamalapit sa bintana.  Hindi dahil nabibighani ako sa itsura ng Cubao kundi dahil sa isang fire tree na aking natatanaw.
    Sa pagitan ng pagtitig sa monitor at mga papel ay nagnanakaw ako ng sulyap sa punong ito.  At kadalasan, naaalala ko ang mga mabulaklaking puno ng aking kabataan.
    Sa bakuran noon ng aming paaralang elementarya sa probinsya ay mayroong malaking fire tree.   Nakatayo ito malapit sa bakod at sa nag-iisang posong de bomba ng eskwelahan.  Ito ang pinakamalaking fire tree sa aking pagkakaalam.  Napakaganda ng punong ito sa panahon ng kanyang pamumulaklak.  Walang ibang kulay kundi pula.  Sa tag-araw, kung kailan bakasyon, masarap maglaro sa ilalim nito–may payong na pula sa taas at may carpet na pula ang lupa.  Alam naming magtatapos na ang bakasyon kung mas marami nang bulaklak sa lupa kaysa sa mga sanga.  Maglalaglagan na rin ang mahahaba, maiitim at matitigas na bunga nito–mainam na gamit sa espa-espadahan ng mga tulad kong bata.
    Sa harapan ng aming barangay health center ay may puno naman ng golden shower.  Ang mga bulaklak nito’y parang dilaw na perlas na nakalugay mula sa mga sanga.  Sa loob ng isang buwan, mawawalan ito ng mga dahon at tanging ginto ang kulay nito.
    Sa unahan ng aming parke ay may nakahilerang mga puno ng banaba.  Mula sa pulumpon ng mga berdeng dahon nito ay lalabas ang mumunting sanga.  Mula rito ay sisibol ang kulay ube nitong mga bulaklak.  Maliliit ang mga ito at mukhang maseselan.  Subalit ang bunga naman nito ay matitigas.
    Sa aming sementeryo naman naroon ang sa tingin ko’y pinakamalaking puno ng akasya.  Nabanggit ito noong 1998 bilang isa sa mga "Centennial Trees."  Sa pagkalaki-laking puno ito galing ang mga pinakamahinhing mga talulot.  Agaw puti at agaw ube ang mga kulay nito at may dose-dosenang mga balahibo na para niyang putong.
    At sa aming bakuran ay nakatanim ang isang malusog na kahoy dalaga.  Kulay puti ang sekondaryang dahon nito na siyang nagpapatingkad sa maliliit na kulay gintong mga bulaklak.  Sa gilid ng bahay naman nakatanim ang puno ng kalachuchi.  Ito ang nagbibigay ng bango sa hangin tuwing hapon na kami ay nakalilim mula sa mainit na sikat ng araw.
    Sa mga punong ito, tanging ang golden shower at akasya na lamang ang alam kong buhay at patuloy na namumulaklak.
    Samantala, binubusog ko na ang aking mga mata sa ganda ng fire tree sa labas ng aming bintana.  Sa ilang araw, maglilipat na rin ako ng bagong opisina.          



No Comments »

No comments yet.

RSS feed for comments on this post.

Leave a comment