Usapang pansit
Isa itong diskurso hinggil sa mga pansit.
Pansit ang isa sa pinaka-paboritong handa tuwing bertdey at mga ispesyal na okasyon. Pampahaba ng buhay, hindi lamang dahil mukhang mahaba kundi dahil (at ito ang totoo) nakakabusog.
Maraming lugar dito sa Pilipinas ang nagsasabing ang pansit nila ang pinakamasarap. Mayroon pa ngang mga lugar na ikinabit sa kanilang pangalan ang kanilang mga pansit. Halimbawa na lamang ang Malabon at La Paz sa Iloilo.
Sa katulad kong madalas kesa sa karaniwan kung magutom, laging masarap ang pansit. At dahil ako’y lagalag, maraming pansit na rin naman ang aking natikman. Bago ang aking mga paborito, banggitin ko muna ang mga pansit na iniwasan ko hanggat maari. Una na diyan ang pansit bihon dahil masyadong payat at tuyo. Pangalawa ang pansit lomi kasi masyado namang mataba at slimy. Lalo namang iwas na iwas ako sa pansit canton na ang noodles ay binili sa palengke (’yun bang tuyo, kulay dilaw, at nakasupot). Gayun din ang pansit sa Chowking. Ayaw ko rin ng miswa.
Pero, ika nga ni Lui Tunglos ng Kodao, "walang hindi masarap sa taong gutom!"
At naririto ang aking mga paborito:
D. Pansit Habhab–nakakatuwang panoorin ang mga taga-Quezon na kumakain ng
Pansit Habhab. Payak na payak ang luto sa pansit na ito. Walang
ibang sahog kundi hipon, minsan ay wala pa talaga. Pampalasa na ang
suka na may sili. Pero kung lamunin ng mga taga-Quezon mula sa dahon
ng saging, ito na ang pinakamasarap na pagkain sa lahat.
K. Pansit Malabon–kahit hindi na sa Malabon ito binibili, Pansit Malabon pa rin ang tawag. Maputi at mataba ang noodles. Orig ‘yung seafoods ang sahog–tahong, pusit at hipon–at binudburan ng chicharon. Alam mong sagana sa sauce kapag matingkad ang pagka-dilaw. Pero pinakamasarap ang maitim-itim dahil sa pusit.
B. La Paz Batchoy–kung magagawi kayo sa Iloilo, magpahatid kayo sa palengke ng La Paz. ‘Andun ang orihinal na Ted’s, at wala sa SM Fairview. Punit-punit na ang silya, burado na ang karatula, garalgal na ang matandang aircon ng kainan, pero hari pa rin ang batchoy nila. Manipis at binanlian lang ang noodles nito. Pero ang sikreto ay nasa sabaw. Lumalangoy doon ang murang sibuyas, laman-loob, chicharon at taba ng hindi mawaring hayop. Patakan mo ng patis at budburan mo ng paminta at handa ka nang umakyat sa langit.
A. Pancit Cabagan–mahirap ipagmalaki dahil kakaiba ang pangalan. Pero ang mapadaan ka sa bayan ng Cabagan sa Isabela at hindi ka kumain nito ay isang napakalaking kasalanan. Half-cooked lamang ang noodles nito at sandali lamang niluto mula sa beef stock na maraming toyo. Walang masyadong sabaw. Igado ng Ilocano ang kadalasang sahog na sasamahan pa ng chicharon, itlog ng pugo, repolyo, carrots at murang sibuyas. Kung wala kang awa sa overloaded mo nang panlasa, patakan mo pa ng suka ng tubo na may siling labuyo.
At kung tinamaan ka na ng rayuma dahil sa mataas na cholesterol sa kakakain ng pansit, pumunta ka sa bukid at mamitas ng mga dahon nito. Kunsabagay, masarap din ang tsaa ng pansit-pansitan.
kung gusto mo masarap na pansit CABAGAN, punta ka sa CASIBARAG SUR at hanapin mo si ANDOY.
miroy — January 24, 2008 @ 10:59 pm
Nice Site layout for your blog. I am looking forward to reading more from you.
trz — December 4, 2008 @ 12:00 pm
Salamat, TRZ.
bukaneg — December 5, 2008 @ 10:58 pm