Si Batik
Sa mga pulong ng Bayan, madalas na pabirong ipanukala na iparada raw siya sa harap ng US embassy para mapagkamalang bomba.
Mahirap mapikon kapag pinagtatawanan ang kotse ko. Dati naman kasing junk bago ko muling binuhay. Binibili na nga ng magbabakal. Buti na lang, sa akin na lang ibinenta. Limang libong piso. Pay-when-able pa.
Pinangalanan namin siyang si "Batik". Gayon na rin ang tawag sa kanya ng karamihan ng aming mga kamag-anak, kaibigan at kasama.
Mula noon, nagsugod na ng nagpakamatay sa ospital; nag-uwi na ng nabaril sa holdap; nagsakay ng mga rebelde; naglaman ng hanggang pitong katao habang may dalawang trompa sa bubong at puno ng plakard ang trunk; tumawid sa ga-ilog na baha; nanghila ng tumirik; back-up car ng VIP; naghakot ng gamit ng pamilyang pinalayas; biglaang naging bridal car; naging bump car ng aking asawa ; at marami pang ibang "mga kagila-gilalas na pakikipagsapalaran."
Dati siyang tirikin. Ngayon, nilalagari niya ang kalsada mula Metro Manila hanggang sa amin at iba pang probinsiya.
Sabi nga ng punk dito sa aming opisina, hindi ako kundi si Batik ang kadre sa aming dalawa.