Remembering Pako Valley
Mag-iisang taon na ako sa opisinang ito. Ilang beses na rin akong natawag na "human rights worker." Iba ang pakiramdam kapag natatawag kang "manggagawa para sa karapatang-tao." Proud ka, siyempre. Pero may halong "I’m not worthy!" o kaya naman, lalo na ngayon, "I’m dead tomorrow!"
Ilan na nga ba ang pinapatay na human rights worker? Si Atty. Ed Olalia ang unang nagsabi: "Nakakatakot magbukas ng message sa cellphone. Baka notice na naman ng bagong pinatay."
Subalit tuwing nalalambungan ng duda o takot ang aking diwa binabalikan ko ang alaala ng Pako Valley.
May dumating na imbitasyon sa opisina ng CEGP. Fact-finding mission daw sa Apayao. 1993 noon–Presidente pa lang ng CEGP si Teddy CasiƱo, kaibigan pa ang mga taga-Task Force Detainees of the Philippines, at ako’y kalalaya pa lamang mula sa isang araw ng pagkakakulong at limang taong pag-aaral sa kolehiyo.
Inalok sa akin ni Teddy ang byahe. Umoo naman ako.
Bumyahe ako patungong Tuguegarao. Nag-aral ako noon dito. Dito nabuo ang team na bibyaheng Apayao. Pagkatapos ng kalahating araw ng kilanlanan ay tumulak kami lulan ng isang nirentahang dyip.
Hapon na ng dumating kami sa bayan ng Pudtol. Nagpatagal sa amin ang napakaraming tsekpoynt ng militar sa highway. Tumuloy kami sa bahay ng Mayor upang ipagpaalam na papasok kami sa gubat kinabukasan. Mayroon lang bang makaalam kung sakaling hindi kami makalabas sa oras. Bago kami natulog naligo muna kami sa irrigation. Malakas ang agos ng tubig mula sa bundok. Malamig. Masarap sa balat. At dahil pagod sa byahe maaga kaming natulog.
Maaga kaming sinundo ng dalawang bangka sa ilog kinabukasan. May mga motor ito. At sa unang mga oras ay naubos ang aking panahon sa katitingin sa pinakamagagandang mga tanawin na aking nakita. Matatarik na bundok ng naglalakihang bato na napuputongan ng berdeng kagubatan. At sa aking tabi at sa ilalim ng aming bangka ang pinakamalinaw na ilog na aking nakita.
Pagkalipas ng ilang oras ay kinailangan naming bumaba maya’t maya upang itulak ang bangka na malagpasan ang rapids. Madulas ang mga bato at umaalimpuyo ang tubig.
Nagpagabi kami sa isang sityo. Pinatulog kami sa isang kubo na ginagamit nilang hintayan ng mga bangkang naglalakbay palabas sa bayan. Kinabukasan, bago pa tumirik ang araw ay muli kaming naglakbay.
Pagkatanghali, masyado nang mababaw ang ilog para sa aming mga bangka. Kinailangan na naming maglakad. Walang daan papasok ng Pako Valley. Ang tanging daan dito ay ang ilog sa pagitan ng nagtatayugang mga puno at matatarik na bundok. Naglalaro ang mga isda sa aming paanan habang nag-aabang ng masisila ang mga ahas sa aming ulunan.
Isa ang Pako Valley sa tatlong lambak na kung tawagin ay tri-valley ng Apayao. Pangalawa ang Sinundungan Valley at una ang Marag Valley–lugar ng di mabilang na engkwentro sa pagitan ng AFP at ng NPA. Ito ang maalamat na base ng NPA ng Dekada 80 at lugar ng mga masaker ng mga sibilyan ng AFP. Pako Valley ang tawag sa aming pinasok dahil ang gilid ng ilog ay punumpuno ng mga Pako. Sa dami ng aming nakaing Pako, nagkulay berde na ang aming mga dumi.
Alas-kwatro ng hapon ay umulan ng malakas. Ilang sandali pa, ang dating ga-tuhod na tubig ay umabot na sa aming dibdib. Kinailangan naming gumawa ng daan sa masukal na gubat. Dito nasira ang aking sapatos sa walang katapusang pagdausdos. Ilang beses din akong gumulong dahil walang makapitan. Ang lahat yata ng sanga’y may tinik. Duguan ang aking mga kamay at paa. Hindi nagtagal ay pinulikat ako at kinailangang buhatin ang aking bag ng isa kong kasama.
Pagsapit ng gabi ay nagkampo pa rin kami sa ilog. Doon ko naranasang matulog na batuhan ang aking higaan. Kinaumagahan, halos hindi ako makakilos sa sakit ng katawan. Pero tuloy ang aming paglalakbay.
Pagdating ng hapon, narating namin ang aming sadyang sityo. Wala kaming naabutan kahit na isang anino. Bagkus, daan-daang basyo ng bala ng armalayt, naaagnas na mga bungo ng kalabaw at mga sunog na kabahayan ang aming nakita.
Agad kong inilabas ang aking dalang lumang kamera. Ilang rolyo ang aking naubos bago ako tumigil.
Sa may bandang ilog ay doon makikita ang mala-paraisong lugar. Katabi lamang ng sityo. Parang panaginip, naisip ko. Impyerno sa paraiso. Sa Pako Valley ko lamang na napatunayan na ito’y nagaganap, na ito’y totoo.
Muling umulan kinagabihan. Malakas.
Sinubukan kong matulog sa pagitan ng dalawang kahoy sa kubong wala nang dingding at sahig. Sa kabila ng matinding kapaguran, hindi ako maidlip.
Kinabukasan, sa wakas, nagpakita sa amin ang aming sadyang mga tao. Alam nilang may mga pumasok na taga-labas subalit hindi agad sila nagpakita sa takot na kami’y militar. Ginabayan kami patungo sa kanilang kwebang mahirap makita kung hindi mo alam ang daan. May ilog sa loob at nakakural din doon ang natitira pa nilang mga hayop. May bukal malapit sa bunganga ng kweba na kinunan namin ng maiinom na tubig. Napakalamig ng tubig mula rito. Parang galing sa cooler. Sa gilid ng kanilang kaingin ay namitas ako ng mga orkidyas. Pasalubong sa aking inang hindi alam kung saan ako nagpunta.
Maghapon at magdamag kami sa lugar. Inilabas ko ang aking tape recorder at pinakanta ang mga bata. Walang kasing tamis ang kanilang boses. Mas malamig pa ang kanilang mga boses sa tubig na aming iniinom.
Ikinwento nila, dati silang 56 na pamilya sa sityo. Labingdalawang pamilya na lamang ang aming dinatnan. Ang kanilang ka-barangay ay inubos na ng mga militar. Iyon ay dahil sila raw ay mga taga-suporta ng NPA. Doon ako nakakita ng mga matatandang umiiyak ng walang tumutulong luha. Ubos na, ang sabi ng isa.
Pagdating ng aming ika-limang umaga, kami ay kanilang inihatid sa ilog. Nakita namin ang apat na balsang dali-dali nilang ginawa. Mayroong nakapag-balita, papasok ang mga Scout Ranger mula sa Kabugao. Ayaw nila ng mga taga-labas na nakikialam sa mga taga Pako Valley.
Malungkot ang paalaman. Halos walang nagsalita. Haplos sa aking braso ang tanging pabaon ng magsasakang nagbuhat ng aking bag pababa sa ilog.
Lumaki ako sa tabing ilog; ang kulay ko ay sunog dahil sa ilog. Subalit wala akong kaalaman sa pagbabalsa. Pero walang ibang pwede. Apat kaming lalaki sa anim na babae. Kailangan kong tumangan ng kawayan at gabayan ang balsa palabas tungong kaligtasan.
Muling umulan. Rumaragasa ang ilog. Ilang beses kaming nabangga sa naglalakihang bato at naghiwa-hiwalay ang aming mga balsa. Sa dapit-hapon, lalong lumakas ang agos at dumalas ang aming paghinto. Tatlong beses nahulog sa tubig ang aking bag kung saan nakasilid ang aking kamera at tape recorder.
Nadala ang aming balsa sa isang sanga ng ilog. Umaalimpuyo ang agos at hindi na kami makaalis. Sumigaw ako at humingi ng tulong. Nilangoy kami at tinulungang makatabi ng pinakamalaking lalaki sa aming grupo. Madilim na noon.
Muling tinalian ng mga baging ang aming balsa. Noong kami’y nagpapatuloy sa tulong ng flashlight ay siya namang paglitaw ng isang kampo ng CAFGU. Inutusan nila kaming doon na magpagabi. Gumawa kami ng kubo mula sa talahib. Walang natulog sa amin. Magdamag kaming nakikipagtitigan sa mga CAFGU.
Lumipas ang isa sa pinakamahabang gabi ng aking buhay.
Kinaumagahan, dali-dali kaming nag-impake at sumakay sa balsa. Ilang oras na lamang ay nasa bayan na kami.
Bago ko pa matapos ang kwento kong ito, pumasok ang isang text–pinatay si Edwin Dimaano ng Camarines Sur pagkatapos niyang sumali sa barikada laban sa demolisyon sa Lungsod ng Naga.
its a nice story
Imelda — January 29, 2008 @ 3:54 pm